Biyernes, Setyembre 8, 2017

TALUMPATI PATUNGKOL SA PAG-IIPON


(Chariza Genon sa kanyang piyesang "MAPA sa Pag-iipon")


 MAPA sa Pag-iipon


      Marahil marami sa inyo ang nakakaalala sa alkansyang kawayan na karaniwang ginagamit ng ating mga magulang o ate at kuya sa pag-iipon, tama? O di kaya ay alkansyang baboy na karaniwang laman ng mga exhange gift noong tayo ay nasa elementarya, tama? O di kaya ay sa alkansyang boteng plastik na ating nilalagyan ng tigmimiso o tigsisingkong barya, tama?

      Marahil marami na sa inyo ang pamilyar sa konsepto ng pag-iipon ngunit, hindi natin ito naisasapuso. Alam natin na mahalaga ito ngunit, hindi natin ito naisasabuhay. Ngayon, kung ang mapa ang karaniwan nating ginagagamit upang hindi tayo maligaw ng direksyon, ang MAPA ay gagamitin ko upang bigyan kayo ng direksyon sa inyong pag-iipon.

        Unang-una, kapag kayo ay nag-iipon, dapat, mayroong Mabigat kayo na dahilan. Kailangan, sa pag-iipon ninyo, may dahilan kayo. Hindi lamang, nag-iipon ako dahil gusto ko lang o naiingit ako sa mga kasama ko. Nag-iipon kayo dahil mayroong dahilan. Napakarami kong kakilala na may educational plans na sila o may ipon na sila para sa pangkolehiyo nila. Dapat ganoon din kayo.

     Pangalawa, Alamin ang kailangan at gusto. Iba ang kailangan natin at gusto lamang natin. Kasi, ang kailangan natin, hindi tayo mabubuhay kung wala ang mga iyon. Ang gusto natin, panandaliang kaligayahan lamang iyon. Alamin natin ang ating kailangan at gusto. Unahin natin ang mga kailangan natin sa pang-araw-araw, tapos tayo ay mag-ipon, saka na lamang ang mga gusto.

        Pangatlo, Pagpupursige. Dapat, kapag nagsimula na kayong mag-ipon, magpursige kayo na ipagpatuloy iyon. Hindi yung,  sa susunod na linggo, basag na ang mga alkansya dahil gumastos na kayo: bumili ng mga pagkain o naglakwatsa sa mall. Dapat mayroong pagpupursige kayo na ipagpatuloy ang inyong mga nasimulan.

        Ang huli, Atin nang simulan ang pag-iipon ngayon pa lang. Habang maaga pa, habang tayo ay bata pa, magsimula na tayong mag-ipon upang ang pag-iipon ay madala natin sa panghinaharap.

    Alam ko ang pag-iipon ay hindi biro. Ngunit, kapag mayroong pagpupursige at determinasyon kayong tapusin kung ano man ang inyong nasimulan, walang imposible sa mundo. Pahalagahan ang bawat sentemo, dahil hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. MAPA sa pag-iipon.

-Chariza Genon  




Pag-iipon: Isang Salik sa Kasaganaan


          Bilang isang mag-aaral, paano kaba nagtitipid o nakakatipid ka pa ba? Sisimulan ko ang aking talumpati sa pagbibigay ng dalawang halimbawa sa buhay nina Nelia at Amalia.              

           Sa dami rami ng gastusin sa paaralan ni Nelia, kadalasan kulang lang ang 50 peso na ibinigay ng kaniyang magulang para pagkasiyahin buong araw. Kaya minsan, ang perang inilaan niya para sa kaniyang recess ay iniipon na lamang niya para sa susunod pang mga gastusin.

        Sa kabilang banda naman, si Amalia ay isang mag-aaral na mas inuuna ang lakwatsa kasama ang barkada at binibili ang mga bagay na naaypn sa kaniyang kagustuhan lamang kaysa sa mga bagay na kailangan niya kaya pagdating sa gastusin sa paaralan,sinasabo na lamang niya na wala siyang pera. Sa dalawang taong binigay ko na halimbawa, sino kayo? Si Nelia na mas inuuna ang kailangan o si Amalia na mas inuuna ang kagustuhan? Sa panahon ngayon, pera na ang puhunan para ang tao ay makabili ng kaniyang pangangailangan at kagustuhan. Hindi na uso ang salitang “barter” na nangangahulugan na kung anong bagay mayroon ka, pwede mo itong ipagpalit sa ibang tao na may bagay na kailangan mo.

        Samakatuwid, pera na ang ginagamit ng tao sa pangaraw-araw na pamumuhay. Bilang isang mag-aaral, hindi mawawala ang baon na ibinigay nina Mama at Papa. Baon na unti-unting lumalakimula elementarya at ngayong malaki ka na.Pero bakit nga ba na kulang pa rin ito o hindi kasiya sa buong araw sa paaralan? Malamang sasabihin mo na marami kasing bayarin sa paaralan pero ang tanong, lahat ba ng araw may bayarin, saan napunta ang sobrang pera noong mga araw na walang bayarin? Sa lakwatsa kasama ang barkada?            Marami sa atin ang natatamaan dito.

        Kapag may pera tayo kadalasan hindi natin iniisip ang hinaharap na mga gastusin kaya naman kapag may gastusin na wala na tayong pera. Dapat bata palang tayo , matuto na tayong magtipid ng pera para hindi tayo maguluhan saan kukuha ng pera sa oras na kailangan natin ito. Ang pag-iipon ay nangangailangan ng determinasyon,disiplina at limitasyon.Kapag mayroon tayo nito sigurado makakaipon at makakaipon tayo. 


-Amrafe Marata  



Ipon : Ito'y Pahalagahan


               Nakakatulong ba sa buhay natin ang pag ipon ng pera?Ano nga ba ang paraan na dapat gawin upang makaipon ang isang mag aaral?

             Sa panahon natin ngayon marami na ang mga mamahaling bilihin kagaya na lamang ng pagkain, damit, at marami pang iba. Hindi natin alam at walang katiyakan kung kailan bababa o patuloy lang tataas ang mga presyo nito sa mga susunod pang araw. Sabi sa mga nakakaraming tao, kung sino pa yun mayaman, sila pa yun lalong mas yumayaman pero sabi naman ng mga matatagumpay na negosyante nasa disiplina sa sarili at tamang kaalaman lang sa paghawak ng pera ang kailangan para maging matagumpay at nagsimula ang lahat na ito sa pag iipon.

           Bilang isang mag-aaral napakahirap mag ipon dahil wala pa namang tayong trabaho,makakaipon lang tayo kong malaki ang ating baon na binibigay ng mga magulang natin o may matira sa ating baon, napaka importante na mag ipon ng pera dahil ito'y nakakatulong sa ating pag aaral dahil alam naman natin na maraming bayarin sa paaralan lalong lalo na kong nasa pampublikong paaralan tayo nag aaral, wala nga tayong binabayaran na “tuition fee ” pero sa mga iba’t ibang proyekto naman mauubos ang ating pera, at nakakatulong ito dahil kong may emergency na bayaran hindi na tayo mamomoblema kung saan tayo kukuha dahil may sapat na tayong pera na naipon para matustusan ito.       

           Ang paraan para maka ipon tayo ay kailangan lang natin magtipid at iwasan gumastos ng sobra, dapat lang bilhin ay yung mga mahahalagang gagamitin at makabubuting gumawa ng budget plan at palaging ilista ang bawat pinagkakagastusan araw-araw upang masuri at mapag aralan pang mabuti kung anung mga gastusin pa ang dapat alisin o kung di maialis kahit mabawasan at malimitahan man lang. Sa ganitong paraan nasisimulan na natin turuan na disiplinahin ang ating mga sarili sa paggastos, sa pagpaplanong pinansyal at paghawak ng ating pera.

          Napaka halaga ang pag iipon sa kadahilanang ito ang magdadala sa atin papuntang kalayaan sa pananalapi sa darating na mga panahong hinaharap o sa pagtanda natin. Kung nais natin umasenso sa buhay at kung gusto natin ng kalayaan sa pananalapi, mahalagang alamin din natin at pag aralan ang tamang paraan sa paghawak ng pera, lalong lalo na ang may kinalaman sa pag iipon. Hindi natututunan at itinuturo sa paaralan kung paano umasenso sa buhay sa halip palaging ipinapayo lang sa mga mag aaral na ugaliing mag ipon ng pera. 


 - Vanessa Menguito  


Ipon Ipon


            Isa sa kinakaharap ng mga estudyante, maliban sa problema sa pag-aaral, ay ang problema sa pera. Sa dami rami ng mga gawain, gayundin naman karami ang mga babayarin. Bilang estudyante,nararapat lamang na marunong tayong humawak ng pera— matiyaga tayong nag-iipon, marunong magbudget at matalinong paggastos ng perang naipon.

              May tanong ako sa inyo, magkano ba ang inyong baon bawat aranow? Mula sa allowance na ito, magkano naman ang iyong naiipon? Meron pa bang natitira o wala na?

              Ito maaari ay dahil marami tayong binabayaran sa paaralan at nauubos na ang ating pera nang hindi naman lang makabili ng snacks isang araw. O kaya naman, waldas nang waldas lamang tayo kaya wala na tayong maibayad sa mga gastusin sa paaralan. Saan ba kayo dito?

             Mabuti talaga na may maitabi tayong pera kahit limang piso lamang sa isang araw para naman may mailaan tayo para sa iba’t ibang mga bayarin. Maliit man kung isipin ang kantidad ng perang ito, ngunit kapag ito ay tinitipon, makakaabot ito ng higit pa sa isang daang piso. Mula sa maliit na halagang ito, mayroon ka nang pambayad para sa mga babayarin sa eskwelahan nang hindi na nanghihingi pa sa iyong mga magulang. Dapat marunong na tayong tumayo sa ating sariling paa at hindi lamang palaging umaasa sa ating mga magulang.

              Sa pangkalahatan, kaakibat ng pag-aaral ang pag-iipon at sa pag-iipon, dapat may tamang pagbudget at paggastos ng perang naipon. Dapat alam na rin natin na dapat nating unahin kung ano ang mga pangunahin at kailangang babayarin kaysa sa mga pansariling kagustuhan at kakailanganin. Sa pagtatapos ng aking talumpati, gusto ko sanang itatak ang katagang ito sa inyong mga isipan— Ipon ipon para sa bonggang bonggang kinabukasan. Magkaroon ng disiplina sa paghawak ng pera.


-Regine Lace Panuncia




Mag-impok: Ngayon Na, Simulan Na


           Ang pera ay isang napakahalagang bagay sa ating buhay. Ito ay hindi madaling makita o maaani kahit saan katulad ng ating mga magulang na syang naghahanap ng pera para tayo ay matustusan sa ating pag-aaral. Kaya bilang isang estudyante ang tanging pag-iimpok ang maiitutulong natin sa ating mga magulang, lalong lalo na sa ating sarili. Ikaw, siya, ako, tayo ay dapat pahalagahan ang pera.

          Sa pag-iimpok nagsisimula ang lahat patungo sa direksyon ng kasaganaan. Kaya hanggang bata pa kailangan ng matutong mag impok. Kailangang magtipid, mag impok, at iwasan ang pag-gastos sa mga bagay na hindi naman kailangan o importante upang makatulong sa pamilya at sa sarili.

         Unang hakbang patungo sa tamang pag gastos o pag iimpok ay nagsisimula sa ating mga sarili. Kailangan ang disiplina sa sarili sa pag gastos ng pera, dapat malaman ang mga bagay na importante upang magkaroon ng tamang budgeting. At matabi ng ilang bahagi ng inyong kita o baon para sa hinaharap.

          Alam kong madaling sabihin sa sarili ang mag-impok ngunit ang hirap gawin o sundin dahil sa mga gastusin sa paaralan at mga gusting bagay. Minsan kapag gutom na o nagkayayaan ang barkada napapagastos talaga. Kailangan tratuhin ang pag-iimpok bilang isang OBLIGASYON.

      Bilang isang mga estudyante kailangang alamin kung ano talaga ang pinaka kailangan mo at huwag kung ano ano ang pag-gagastusan ng pera. Sa pamamagitan ng tamang paggastos at pag iimpok ng pera, tayo ay nakakatulong na ng malaki sa ating mga magulang.

-Carol Jane Apawan


Pag-iimpok Para sa Kinabukasan

          Projects, funds, mga bayarin sa eskwela at hindi pa diyan nagtatapos dahil may pagkain at mga bagay na gusto at dapat pa nating bilhin at bayaran. Ang hirap makahanap ng pera at ang dali nitong maubos kaya wastong paggamit ng pera at pag-iipon ay mahalaga.

         Hindi sa lahat ng oras ay parati tayong umaasa sa ating mga magulang lalo na’t mas marami pa silang dapat paglaaan nito gaya ng kuryente, tubig, renta, at maraming marami pa kaya dapat ugaliing mag-ipon para sa hinaharap upang mapaghandaan ang posibleng mangyari. Sa panahon ngayon, halos lahat ng bagay ay kailangan mo nang bayaran kahit free taste ay mahirap mo nang mahagilap.

         Kapag ang tao ay matipid maraming maililigpit at kapag may maraming maililigpit aasenso ang buhay at handa sa kinsabukasan. Kahit halos lahat na ay namromroblema sa mga madami daming bayarin dapat tayong matuto kung paano maglaan ng pera sa iba’t ibang gastusin. Dapat nating matutuhan na ang pag iipon ay napakamahalaga lalo sa ating mga mag aaral. Makatutulong din ang pag-iipon upang mahasa ang ting disiplina at strateheya sa pag budget ng ating pera.

       Sa patuloy na paglaganap at pag-usbong ng presyo ng iba’t ibang pamilihin, mas isaisip parin natin na ang pagiipon ay isang mahalagang gawain para sa atin mga estudyante, dahil sa ganitong paraan nalilinang ang ating disiplina at nakakatulong tayo sa ating mga magulang na maibsan ang kanilang mga iniisip hinggil sa problemang pinansiyal.

-Marie France Gumahin




Pag-iipon: Bakit mahalaga?


        Sa buhay natin ngayon, isa ang pera sa kinakailangan sa pang araw araw. Halos lahat ay nabibili na ng pera. Ito ay mapa pagkain, kasuotan o kahit ano pang kagamitan. Ang pera ay hindi madaling makita at hindi rin madaling makuha. Pinaghihirapan at pinag tratrabahuan muna ito, kaya, tayong mga mag aaral ay dapat matutong mag ipon.

        Ang pag iipon ay hindi lamang para sa ating mga mag-aaral kung hindi pati narin sa lahat ng tao. Ito ay makakatulong upang tayo ay maging masinop sa pera lalo na’t sa kalagayan ng ekonomiya sa pilipinas ngayon. Kung tayo ay may ipon, mabibili na natin ang mga mahalagang bagay lamang na gusto natin. Tayong mga pilipino kasi ay may likas na ugaling “gastos rito at gastos doon” kahit hindi naman mahalaga ang isang bagay. Ang kaugalian nating ito ay dapat nang iwaksi at itama upang tayo ay makapag-ipon. Dapat tayong mag-ipon upang ating mapaghandaan ang ating kinabukasan. Mapa ito ay pangmatagalan o panandaliang plano lamang. 

        Kaugnay ng pag-iipon ang disiplina at pasensya. Sa mga hakbang upang makapag-ipon, unti-unti itong pumapasok sa ating diwa. Bilang isang mag-aaral, tayo ay dapat na may sariling plano para sa ating bukas. Mahalaga na tayo ay marunong tumayo sa sarili nating mga paa. Tayong mga mag aaral ay dapat sumisimbolo sa isang disiplinado at pasensyosong mamamayang pilipino. 

-Junisa Rose Fuentes



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

BIONOTE: Cristina Magalang Bering

Cristina Magalang Bering Sikap at Pursige Bionote ni Cristina Magalang Bering Isang babae na simbolo ng tunay na pagsisikap, pagp...